Wednesday, March 18, 2009

Back To Reality -


Nakauwi na ang mag-iina ko kahapon pabalik ng Pilipinas. Maayos naman silang nakarating hanggang bahay at tumawag para sabihing ok naman sila. Umuwi ako kagabi sa apartment. Wala ang makukulit na bumabati at humahalik sa akin pag ako ay dumadating. Walang asawa na humahalik sa akin. Walang mga naghahabulan (maluwag kasi ang sala), walang nagsisigawan, walang naglalaro, walang nanonood ng palabas ng cartoons sa TV, walang nagluluto, walang kausap. Tahimik ang paligid. Oo nga, mag-isa na naman ako. Parang gusto ko maiyak. Mabigat ang aking pakiramdam. Parang may bara sa lalamunan ko. Mahirap din pala ang makikita mo sila pansamantala tapos bigla din mawawala at matagal uli na di mo makikita. Alam ko nag-enjoy sila dito lalo na ang dalawang chikiting ko. Halos nagbababad sila sa swimming pool dito. Noon ko nga lang nagamit ang swimming pool simula nung dumating ako dito. Ngayon, siguradong mababakante na naman ito. Mabuti nga at hindi nataon na nag-uulan. A week ago, panay ang ulan dito at sabi nga nila ay start na daw ng rainy season. Bumabaha pa naman ang part ng city pag umulan ng malakas. Traffic. Kumain akong mag-isa. May mga tira pa kami nung nandito pa sila at yun na lang ang ipinainit ko. Nagluto na lang ako ng bagong kanin.

Matutulog na sana ako nang may mapansin akong papel sa ibabaw ng lamesita sa gilid ng kama. Love note ng aking asawa at ng panganay ko. Lalong sumidhi ang aking pangungulila. Ah, pasasaan ba at makikita ko ulit sila.

Sana lang ay hindi ako magtagal dito at makauwi na din. April dapat ang uwi ko pero sabi ng lead namin ay baka daw ma-extend ang trabaho ko dito hanggang June. Gawa na nga ang visa ko at June ang expiration. Iniisip ko na lang na matatapos din ito.

1 comment:

JenP said...

How touching. Naiyak po ako.