Tuesday, February 24, 2009

H for Etchetera -


Mapapansin mo dito sa Vietnam, halos lahat ng (o karamihan sa) words nila ay may letter H. Ho Chi Minh, Ha Noi, Ham Nghi, Nguyen Than, Ben Thanh, Tinh Lhong, Khoi Thon Tan to name a few. Lahat ng makikita mong billboard o mga sulat sa kalsada, palaging may letter H. H dito, H doon, H diyan. Kahit mga streets o pangalan ng mga buildings. Di ko pa alam kung saan nag-originate ito. Baka lang may hemorrhoids ang mga tao noong unang panahon kaya nahilig sa H.

Ang update na inyong natunghayan ay hatid sa inyo ng BASTOS cigarette. Ang yosi ng mga gurang (note: Totoong may brand na Bastos dito, no kidding). Check the picture..

Thursday, February 19, 2009

Moving out, moving in -

First day ko sa apartment kahapon. Pinaalis na kasi ako ng company ko doon sa hotel dahil masyadong mahal. Akala ko nga dati ay pangit ang ibibigay pero laking gulat ko dahil kumpleto pala sa kasangkapan. Merong electric range, lahat ng kitchenwares, may TV din (mas malaki kesa sa hotel), fridge, hot shower, double bed, sofa. Wala lang washing machine kasi pwede namang ipalaba na sagot ng company. Medyo nahirapan ako natulog kagabi. Namamahay na naman ako. O baka dahil konti lang nakain ko. Di pa kasi ako nakakabaili ng mga lulutuin. Ito ang isang problema dito. Walang malapit na mabibilhan. May resto sa malapit pero siyempre, may kamahalan. Kesa naman magutom ako.

Friday, February 13, 2009

Counting the sheeps -

Dahil na-late kaming umuwi, nakaalis na ang jetty. So, ang mga naiwan ay sasakay na lang sa service car papuntang hotel. Medyo malayo din ang biyahe kung “by land” kaya matutulog sana ako. Pero may narinig akong singhot ng singhot sa likod ko. Sinubukan kong pumikit para sana umidlip pero pumapasok sa isip ko ang singhot nya. Kaya, imbes na sheeps ang bilangin ko para makatulog, nagbilang ako ng singhot nya. Eh sa kabibilang ko, umabot na kami ng hotel na ako ay gising pa. More or less 424 ang nabilang ko for 1 hour and 27 minutes naming biyahe. Kaya bale isang singhot every 12 seconds, hehehe.

Ang kuwentong ito ay hatid sa inyo ng Dick’s inhaler. Ang pamasak-ilong ng mga sipuning bakla.

Sunday, February 8, 2009

Cross at your own risk -


Pangatlong araw ko pa lang dito sa Vietnam at ngayon lang ako nakalabas. Ang isang napansin ko dito, na-dominate ng motorsiklo ang mga cars. Halos kokonti ang naglalakad sa kalye dahil halos karamihan nga ay puro naka-motorsiklo na. Nakakatakot ngang tumawid dahil di sila humihinto. Bahala ka sa sarili mo. Iiwasan ka naman nila eh. Basta pag tumawid ka, huwag ka lang tatakbo para mas maganda at maiwasan ka nila. Wala naman ako nakikitang aksidente sa daan. Magaling naman sila umiwas.

Parang Pinas din ang mga building. Malalaman mo lang na ibang country dahil sa mga sulat. Tsaka siyempre, walang mga jeepney. Marami ding nagtitinda sa labas. Mga maliliit na stalls. Mga murang relo, sandals, shades na katulad ng sa Pinas. Mahirap lang kumain sa medyo murang kainan dahil di sila marunong mag-ingles. Pero kung alam mo ang kakainin mo o kaya ay kaya mong kainin lahat, walang problema. May mga nakita din akong mga Pinay sa park (dahil nagsalita ng tagalog) pero di ko muna kinausap dahil nga gutom na gutom na ako pagdaan ko sa kanila. Baka sakali pagbalik ko uli dun at makita ko uli sila. Napadaan din ako sa mga palengke ng gulay. Pareho lang ang mga tinda nila. Mahilig lang sila sa mga mint.

Saturday, February 7, 2009

Tumubo ang kabute -


Hello sa lahat ng makakabasa nitong munting blog ko. Medyo matagal na palang walang update (since November 9, 2008). Wala kasi akong internet sa bahay at tamad akong gumamit ng internet sa labas. Sa bahay lang ako madalas at kalaro ang aking mga anak.

Nandito naman ako sa Vietnam ngayon. Bigla kasi akong ipinadala ng employer. Dahil sa delayed ang UK project ko, dito muna nila ako ibinato. Di din natuloy ang training ko sa France noong November dahil di kinaya ng 5 days lang (kailangan kasi ang minimum 10 days sa processing). Unang araw ko pa lang dito, medyo marami na ang nagyari. Sa airport pa lang sa Pinas (Centennial), nagkaroon na ng konting problema. Dapat kasi, 2 ang check-in baggage ko. Pero masyadong mahigpit ang PAL. Dahil economy ako, dapat ay 20 kg lang ang allowed pero noong timbangin, 26 kg yung dalawang baggage. Bayaran ko daw ang excess baggage sabi sa counter. Sabi ko naman, bakit last time ako umalis, 30kg pa nga ang kargada ko pero di naman ako siningil. Medyo istrikto daw ang management dahil nga sa crisis. Para wala na lang mahabang pagtatalo, sinabi ko na lang na handcarry ko na lang yung isa dahil maliit lang naman. So, pinalipat lahat ng liquid, gel, and anything na bawal sa handcarry yung laman ng maliit na bag sa check-in baggage ko. Mabuti na lang at nagkasya pa. Marami kasi akong dalang mga baby cologne dahil mahilig ako nito, lalo na at temperate country ang pupuntahan ko. Ayokong mangamoy ang kili-kili ko. So, ok na nga. Pagdating sa final check after sa immigration, may nakita sa bag ko sa x-ray kaya pinabuksan uli. Akala ko ay cologne kaya sa loob-loob ko, iwan ko na lang kung di papayag. Pero tinanong nya ako kung may dala daw ba akong tool na may knife. Sa pagkaakataon na yun, bigla ko naalala ang Swiss knife (katumbas ng Leatherman tool) ko na naka-karton. Tangina! Nakalimutan ko yatang tanggalin sa handcarry ko (na dapat check-in baggage). Pagbukas ko, nandoon nga ang Swiss tool ko! Binili ko ito noong nagpunta ako sa Switzerland. Sabi ng guard, di ko na raw puwede kunin. Kako, may kasamahan ako sa labas na puwede kong ipacheck-in sa kanya (nagsinungaling lang ako para lang maibalik sa akin). Di na nga raw puwede dahil final check na at di na puwede lumabas. Tangina ulit! Mahigit apat na libong piso yata ang bili ko nito. Mapupupnta lang sa kanila? Nagmamaktol akong ibinalik ang aking mga gamit sa baggage ko. Pero maya-maya, may lumapit na airport police at binulungan ako. Sabi nya”Boss, pangkape na lang yan”. Nagulat ako sa sinabi nya pero natuwa ako. Ibinalik nya sa akin ang tool at sinabing ayusin ko na lang ang bagahe ko sa may upuan. So, tinanong ko kung magkano. Bahala na daw ako. Tinanong ko ulit kung puwede na ang 100 pesos, dagdagan ko daw dahil marami sila. So tinanong ko uli kung puwede na and 300, ok na raw yun dahil may mga kasama siyang magkakape. Alam ko, mali ang ginawa ko, lalo na at dangerous item yung nakumpiska sa akin. Di ko rin sukat akalain na meron palang ganun sa airport. Meaning, may mga nakakalusot na dangerous goods??? Nagpasalamat na lang ako at tumalikod. Yun ang unang naging problema.

Dumating ako sa Ho Chi Minh airport. Malaki at malinis ang airport na ito. Mas maganda pa kesa sa Centennial airport sa Pinas. Bago kami lumabas ng airport, nagpapalit na kami ng tig-100 US dollars. Milyonaryo kami agad. Ang kapalit nun ay 1,630,578 vietnam dong. (currency ng vietnam). May driver na kumuha sa amin doon (katulad ng nakasaad sa e-mail sa amin). Medyo inabot din kami ng 40 minutes going to the hotel. Pagkatapos magcheck-in at maghilamos, bumaba uli kami sa naghihintay naming service (same car) para dumiretso na ng planta (dalawa nga pala kaming dumating na pinoy dito). Mga isang oras at kalahati din ang biyahe magmula hotel hanggang site. Maayos naman kaming sinalubong. Ipinakilala kami sa mga tao doon. Mahirap matandaan lahat lalo na at Vietnamese, Malasian, at Indonesian names ang tatandaan mo. Meron ding mga puti (French at German). Nagkaroon ng konting tour. Pagkatapos ng trabaho, umalis na rin kaming sa planta. May maliit na piyer sa malapit at sumakay kaming lahat sa jetty. Mas mabilis ang biyahe lalo na at walang traffic sa tubig. Sabi ng mga dati nang nagtatrabaho doon na malapit na lang yung hotel namin at lalakarin lang. So, lakad kami kasama ang isang Malaysian kung saan siya ang sinabihan kung saan kami dadaan. Ang iba ay kumain at ang iba naman ay may binili so apat na lang kaming naiwan na papuntang hotel. Lakad dito, lakad soon. Mag-iisang oras na yata kami ay di pa namin nahahanap. Akala namin ay alam na ng isa pero siya man ay nalito na din. Wala kaming ibang info sa hotel kundi yung e-mail lang pero walang address dahil kinuha nga kami sa airport. Nagtanong kami sa mga tao. Karamihan ay hindi din nakakaintindi ng ingles kaya problema na naman. Kapag lalapit kami at magtatanong, iiling. Marami kaming nilapitan at sa wakas ay nakatiempo din kami ng marunong mag-ingles. Itinuro sa amin kung saan (kesyo malapit sa ganitong hotel). Lakad uli at nakita namin ang hotel na nabanggit pero wala ang hotel namin. Tanong uli. Iling naman uli. Nakakita uli kami ng marunong mag-ingles at itinuro naman kami sa ibang location (tsk tsk tsk). Lakad uli kami. Nagtanung-tanong uli kami. Iling uli. Sa ibang location naman ang sinabi sa amin. Haaay! Ayaw kasi naming mag-taxi dahil sa sinabihan kami sa planta na huwag basta-basta sasakay ng taxi lalo na at hindi itinawag sa phone, kaya kami nagdadalawang-isip. Nakakita kami ng taxi na nakaparada at tinanong uli namin. Mabuti na lang at kahit papano ay marunong naman mag-ingles. Itinuro naman kami sa unang-unang lugar na pinuntahan namin pero kailangan daw na sa kabilang street maglakad. So, ayun nga. Natagpuan din namin after 2 hours of walking. Pahinga konti sa kuwarto bago bumaba at kumain sa labas. 80,000 vietnam dong ang nakain ko (parang ang laki ano?). Masarap ang pagkain nila. Nakakain ko naman lahat kahit yung pagkain sa planta. May isa lang na di ko masyado type pero ok na din. Yung parang sinigang nila. Iba ang lasa eh. Kinabukasan nang kami ay kunin uli sa hotel papuntang jetty, 5 minutes lang at nandoon na kami. Tsk tsk tsk. Napakalapit lang pala. So, ayun.


Ang balitang inyong natunghayan ay hatid sa inyo ng Kalburo cigarette. Ang sigarilyo ng mga VietCong.